Friday, July 26, 2013

LIPAD SA TAKIPSILIM

Matapos ang 40 araw at 40 gabing unos, bagyo at bahang nagwasak sa sangkatauhan, pinalipad ni Noah ang isang ibon upang makakita ng kahit anung tanda ng kalupaan. Nagbalik ang ibon na may kagat na dahon. Ibig sabihin, humupa na ang baha at mayroon ng kalupaan. Siyempre, di naman nasabi sa Bibliya kung gano kalayo ang  nilakbay ng ibon kung kaya’t pananampalataya na lang ang hawak ko upang paniwalaan ang kuwento.

Palaisipan pa rin sakin ang isang tagpo sa BRP Alcaraz habang naglalayag ito sa Dagat Pasipiko patungong Guam. Ninais kong masilayan ang takipsilim, nagtungo ako sa hulihang bahagi ng barko upang makalanghap naman ng hangin mula sa madilim at airconditioned naming tulugan na ang tawag ay “cabin.”

Habang minamasdan ko ang paglubong ng araw, dalawang ibon ang namataan kong lumilipad kasabay sa galaw ng barko. Labis ang pagkamangha ko. Naisip ko ang kuwento sa Bibliya. Kung mayroong ibong lumilipad sa gitna ng Dagat Pasipiko, mayroon din kayang lupa na malapit sa kinaroroon ng barko. Pero wala akong makitang kalupaan. Tinignan ko ang nautical chart pero wala akong makitang kalupaang malapit sa barko. Inisip ko na kung galing pa ang mga ibon sa Hawaii, sobrang layo na ang kanilang nilakbay upang masundan nila kami. Pang apat na araw na namin noon sa paglalayag at ni isang barko ay wala kaming nasalubong o natanaw man lang.

Marahil dumapo ang mga ibon sa BRP Alcaraz at lumipad lamang nung kami’y naglalayag na. Sa kinatatayuan ko na nakaharap sa Kanluran kung saan palubong ang araw, itim ang kulay ng mga ibon. Di ako alam kung anung uri iyon ngunit nang lumipad sila sa gawing Silangan, may pagkaputi naman ang kanilang kulay. Pero kahit anung uri sila at saan man sila nanggaling, masaya ako na nakakita ako ng kasabay namin sa paglalayag. Alam kong mapapagod din sila at magpapahinga sa matataas na istruktura ng barko pero alam ko rin na sa susunod na mga araw, sigurado akong mayroong mga ibon na muling lilipad sa takisilim, maghahanap ng pagkain at nagpapalutang-lutang sa hangin upang masasaksihan ang paglubong ng araw at pagsulpot ng mga bituin at ng bagong buwan sa kalangitan – katotohanan sa likod kapangyarihan ng kalikasan.

No comments:

Post a Comment